Malayo na ang narating ng Pilipina: naging CEO ng kumpanya, pangulo, weightlifting champion, doktor, ina, Miss Universe, at iba pa.
Ngunit sa bawat tagumpay natin, marami pa rin ang hindi makapag-aral, hindi makapagtrabaho, binabastos, sinasaktan, pinatatahimik — dahil mismo babae sila. Hindi kaila sa atin na sa bawat tagumpay ng Pilipina, sa kabuuan ay may sistemang pilit pa rin tayong ikinukulong at pinagkakaitan.
Ngayong Buwan ng Kababaihan, tuloy ang ating laban para sa karapatan, kaunlaran, at pangarap ng mga Pilipina.
Ang bawat Pilipinang namumulat ay may responsibilidad na magmulat din ng iba.
Ang bawat Pilipinang nagtatagumpay ay may obligasyong isulong ang tagumpay ng iba.
Sa mga kapwa ko Pilipina, tinatahak natin ang daang pinangahasan ng mga nauna satin, upang tayo rin ay mangahas para sa mga susunod sa atin.
Sa panahong pilit tayong hinahati at pinaghihiwalay, walang makakapagbuklod sa atin kundi tayo-tayo rin.
Sa simula’t sa huli, Pilipina ang bubuhat sa kapwa Pilipina. (senate.gov.ph)